Tingala: Isang Araw sa Ilalim ng Tulay Abacan

Maria Kristelle C. Jimenez
9 min readSep 2, 2021

--

tinuring nang kanlugan ng mahigit-kumulang na 4000 informal settlers ang ilalim ng Tulay Abacan. Para sa kanila, ang gilid ng natuyong ilog ay sapat na tahanan. Dala na rin ng patuloy na pagdagsa ng mga tao mula sa iba’t-ibang rehiyon, nabuo ang Riverside-isang komunidad na matatagpuan sa Malabanias, isa sa mga barangay ng Angeles, Pampanga. Mula sa Dau, Mabalacat, limampung minuto ang kailangang bunuin bago sapitin ang Tulay Abacan sa Hensonville. Kung tatanawin ang komunidad mula sa ibabaw ng tulay, agad na pupukaw ng pansin ang tumpok-tumpok na mga kabahayang nakapaligid sa ilalim ng tulay, maging sa ibabaw ng dike.

Tulay, Ilog, at Dike: Maigsing Kasaysayan

Bahagi na ng kasaysayan ng mga residente ng Malabanias ang tulay, ilog, at dike na matatagpuan sa Riverside. Bago pa man matuyo ang ilang bahagi ng Ilog Abacan, ito ay naging quarrying site -isang lugar kung saan kinakalap ang mga bato, mineral, at buhangin na siyang ginagamit sa pagbuo ng mga kabahayan. Nagsilbi ang Tulay Abacan bilang pangunahing ruta ng mga pampasaherong sasakyan na patungong Angeles at Dau. Nang sumapit ang pagputok ng Bundok Pinatubo noong 1991, isa ang Ilog Abacan at ang dike nito sa napinsala ng lahar. Dahil dito, gumamit ang mga residente ng tulay na yari sa mga hinugpong na kawayan, kahoy, gulong, kawad, at lubid. Nang lumaon, ang ilang residente na dating nakatira malapit sa Ilog Abacan ay lumipat ng tahanan, hanggang sa ang dating barangay ay naubusan ng residente.

Ayon kay Mang Ponciano, ang isa sa pinakamatandang residente ng Riverside, 1995 pa lang ay tinitirhan na muli ang abandonadong bahagi ng Tulay Abacan. Mula sa sampung kabahayan, umaabot na ngayon sa mahigit sa 600 na kabahayan ang nakaligid sa buong Riverside. Sa aking pagtatanong na rin sa ilang residente ng Riverside, napagalaman ko na ang isang tipikal na bahay sa Riverside ay naglalaman ng anim hanggang walong katao. Dagdag pa rito, ang mga pamilya na napiling manirahan sa ilalim ng tulay at ibabaw ng dike ay nagmula pa sa iba’t-ibang panig ng Visayas, Bicol, Cebu, at Ilocos. Nabuo nila ang isang komunidad na nanahan sa pagitan ng tulay, ilog, at dike ng Abacan.

Riverside: Kasalukuyang Sitwasyon

Sa kasalukuyan, nahahati ang Riverside sa dalawang bahagi: ang isa ay ang tinatawag nilang “Bagong Riverside”, o ang mga kabahayan na nakapaligid sa taas ng dike; at ang “Lumang Riverside” o ang mga kabahayan na nakahanay sa tuyong bahagi ng Ilog Abacan. May dalawang paraan upang matunton ang Riverside. Upang mapuntahan ang Lumang Riverside, kailangang dumaan sa isang eskinita pababa ng Abacan Bridge. Makitid at nababalot sa madulas na lumot ang mabatong hagdanan pailalim ng Abacan Bridge. Ginagamit lamang ang daan na ito tuwing tag-init kung saan natutuyo ang mga lumot. Kaya naman ngayon, mas madalas nang gamitin ng mga residente ang mahabang libis na nakalagak sa barangay hall ng Malabanias-kung saan dumaraan ang mga residente mula sa Bagong Riverside. Mas ligtas ang bumaba mula rito dahil bukod sa sementado ang libis, nilagyan na rin ito ng mga bariles na yari sa makakapal na bakal.

Mula sa kapilya na malapit sa Tulay Abacan, limang minuto lamang ay mararating na ang Lumang Riverside. Kapansin-pansin kung paano ang matatayog na gusali ng Angeles ay unti-unting nagiging mumunting barung-barong sa bawat hakbang pababa ng Ilog Abacan. Dahan-dahan kong inapakan ang ilang hagdan na yari sa pinaghalong bato, hollow blocks, at semento. Ang ilan sa aking naapakan, mula pa sa tinayong man-made dike noong dekada ’90. Mas lumilinaw ang imahen ng lugar sa bawat hakbang ko pababa. Iba’t-ibang uri ng bahay ang naroon, ilan ay yari sa kahoy, ang iba naman ay bahay na bato. Ang mga bahay roon ay nabuo mula sa pinagtagpi-tagping yero, lumang tarpaulin mula sa mga establisiyemento, ilang piraso ng corkboard, alambre, ilang naputol na linya ng telepono, at mga kahoy na inanod mula sa estero. Dito ko napagtanto ang pagtigil ng panahon sa liblib na bahagi ng Angeles-kung saan ang tanging nagagawa ng mga taga-Riverside ay tumingala sa kaitaasan ng mga tulay.

Pagsalat sa Koryente at Tubig

Limitado lamang ang suplay ng koryente at tubig sa buong Riverside. Agad ko itong napansin matapos suriin ang mga kabahayan sa ilalim ng Tulay Abacan. Hindi ito kakikitaan ng metro ng koryente’t tubig. Kung mayroon man, ito ay ilang linya ng extension cord na nakapalupot sa ilang bahagi lamang ng kabahayan. Ayon kay Aling Mercy[i], isa sa mga residente ng Riverside, hindi maaaring magkabit ng koryente sa bawat kabahayan ng Riverside-dahil hindi nila pagmamay-ari ang lote. Ang kaisa-isang metro ng koryente, pinaghahatian ng lima hanggang sampung pamilya. Pabago-bago ang bilang ng pamilyang may suplay ng koryente; pinagbabatayan nila kung may pambayad ba sila o wala.

Umaabot sa 1,250 piso ang halaga ng binabayaran ng bawat pamilyang nakakonekta sa koryente. Nang tinanong ko si Mang Ponciano tungkol sa sistema ng pagbabayad ng koryente, matipid lamang ang kaniyang tugon. Maging siya, hindi niya alam ang sasabihin. Basta ang alam niya, kada buwan, sila ay sisingilin. “Hindi naman kami ang nagbabayad sa Meralco[ii],” dagdag pa niya-habang natatanaw ko ang pagdilim ng kaniyang mga mata buhat sa kanilang sinasapit. Samantala, ang ilang kabahayan na walang suplay ng koryente ay nagtitiis na lamang sa ilang piraso ng kandila; at kung wala talaga ay sapat na ang liwanag na nagmumula sa mga sasakyan sa taas ng tulay, ng poste, o ng gabing naliligiran ng buwan at bituin.

Habang nagpapahinga ako sa gitna ng panayam ng aking kasama sa iba pang residente ng Riverside, inalok ako ng inumin ni Aling Lucing[iii], maybahay at asawa ni Mang Ponciano. Magalang kong tinanggihan ang kaniyang inaalok na malamig na softdrinks, at nakiusap na kung maaari ay tubig na lamang. Hindi ako magawang tingnan ni Aling Lucing, putol-putol ang pagsasalita. “Softdrinks na lang po, Madam. Wala kasi kaming malamig na tubig,” tiim-bagang niyang tugon. Saka ko na lamang napagtanto, na marahil ang tubig mula sa poso na lamang nila kinukuha hindi lamang ang gamit sa paliligo’t paglalaba, kundi pati na rin ang iniinom nilang tubig. Kinumpirma na lamang ito sa akin ni Aling Lucing-matapos niyang ibahagi na pinapakuluan na lamang nila ang tubig mula sa poso bago ito inumin. Walang bakas ng mga lalagyan ng mineral water ang bawat kabahayan na nasa Riverside, palatandaan na maging sa tubig ay limitado sila.

Para sa isang komunidad na nakatarak sa tabi ng isang ilog, nakalulungkot isipin na maging sa suplay ng tubig ay hindi nila matugunan. Dahil sa patuloy na pagdumi ng tubig mula sa sewage waste ng estero at ang walang-humpay na quarrying upang mapagkunan ng buhangin at graba, mas nanganganib ang kalusugan at kaligtasan ng mga residente sa Riverside.

Pagtingin sa Kabahayan

Upang masulit ang isang buong araw na pamamalagi sa Riverside, pinagpasyahan ko na ikutin na rin ang buong komunidad. Malugod akong pinaunlakan ni Mang Ponciano, na tila isa siyang propesyunal na tour guide na itinuturo ang bawat bahagi ng kaniyang munting komunidad. Pinagmasdan ko ang ilang kabahayaan doon: may ilang nakasabit na bote at hose na siyang sumasalok ng tubig-ulan sa oras na pumatak ito sa kanilang alulod. Nang sundan ko ang hose, laking gulat ko nang tumambad sa aking harapan ang dalawang batang paslit na kinokolekta ang tubig-ulan gamit ang isang balde mula sa pinaglagyan ng pintura. Kung saan man nila iyon gagamitin, hindi ko na nagawang itanong dahil agad silang tumalilis.

Ipinagpatuloy na lamang namin ni Mang Ponciano ang paglalakad. Mas lubos kong nakita ang bawat kabahayan sa Riverside. Lantad na lantad ang mga ito, dahil wala silang pinto’t bintana. Halos walang-laman ang bawat bahay. Masuwerte na para sa ilan ang magkaroon ng upuan mula sa pinagtagpi-tagping kahoy, o lumang telebisyon na ipina-repair sa junk shop. Ang ilan sa kanilang damit, mula pa ilang NGOs na nagbibigay ng mga pinaglumaang damit bilang donasyon. Habang lumalapit ang aming paglalakad patungo sa tuyong bahagi ng Ilog Abacan, naobserbahan ko ang pagpalit ng kulay ng lupa. Mula sa natural na kulay-kahoy, natabunan ito ng malamayang alabok. Mas bumibigat sa dibdib ang paghinga. Parang sumisinghot ako ng abo.

Doon na lamang ibinahagi ni Mang Ponciano ang isa sa mga ikinakabuhay ng mga pamilya sa Riverside: ang pag-uuling ng mga kahoy mula sa inanod ng estero. Minsan na ring bumili si Mang Ponciano ng uling na gawa ng mga residenteng nakatira roon. Umaabot sa 200 hanggang 250 piso ang bawat sako ng uling. Minimal lamang ang kinikita ng mga pamilya sa Riverside. Sa isang araw, kumikita ang isang pamilya roon mula 100 hanggang 200 na piso. Kulang na kulang ito sa pangangailangan ng isang kabahayan na may minimal na apat na katao, lalo na kung mayroong sanggol. Hindi pa madalas ang ganitong sahod lalo na’t hindi regular ang pangangalakal at paggawa ng uling. Hindi palaging may benta, o may suplay ng kahoy at bakal. Kaya naman, hindi na kataka-taka kung bakit ang mga residente rito ay nagsimula nang kumapit sa patalim: para lang makaraos.

Kapit-patalim: Para Lang Makaraos

Para lamang makaahon sa hirap ng buhay, pinapakawalan na lamang nila ang nalalabing hiya sa sarili-upang matugunan ang tawag ng laman ng iba. Kapag sumapit na ang dapithapon, at hindi pa rin natutugunan ang kalam ng tiyan-agad na nag-iiba ng bihis ang mga kababaihan ng Riverside. Suot ang kanilang pinakamagandang pares ng damit at high heels, aakyat sila sa taas ng Angeles upang simulan ang gabi bilang mga walker. Talamak sa mga kababaihan ng Malabanias ang mamasukan bilang walker, isang kolokyal na termino na tumutukoy sa mga taong sumasabak sa mundo ng prostitusyon. Dahil na rin sa kalapitan ng Malabanias sa Walking Street, mas naging madaling paraan ito upang makakuha ng pangangailangan.

Kailanman, hindi nila tinuring na regular na trabaho ang prostitusyon-lalo na kung mayroon namang ibang paraan upang mapagkukunan ng pera. Sa tatlong kababaihan na nakapanayam ko, naging mas madali para sa kanila ang maghanap ng mga lalaking magiging parokyano kaysa maghanap ng regular na trabaho. Bukod kasi sa kawalan ng sapat na pinag-aralan at papeles, hindi sila tinatanggap sa anomang korporatibong trabaho. Mula sa salaysay ni Mary[iv], sapat na ang dalawang taon na kaniyang karanasan bilang walker. Namasukan si Mary sa Gecko’s Bar, pati na rin sa High Society Bar-na matatagpuan pareho sa Walking Street, ang bersyon ng Pattaya na matatagpuan sa Angeles, Pampanga. Agad na huminto si Mary bilang walker matapos siyang mabuntis ng isang Amerikano. Naging bunga ng kaniyang maagang pagdadalantao si Steven, tatlong taong gulang.

Isang hindi kapani-paniwalang pagbubuntis, heto ang naging salaysay ni Riza matapos kong makipag-usap sa kaniya. Sa isang beses na pagsubok ni Riza[v] na tahakin ang mundo ng prostitusyon, hindi na lubos akalain na ito ay magbubunga ng sanggol sa kaniyang sinapupunan. Tandang-tanda pa ni Riza ang lahat. Nagawa niyang ikuwento sa akin kung paano siya pumuslit patungo sa Fields Avenue upang mapakain ang kaniyang pamilya. Hindi kasi sumasapat ang kinikita ng kaniyang asawa para sa kaniya at sa apat niyang mga anak. Matapos ibigay ang tawag ng katawan ng isang turistang Amerikano, hindi na siya muling bumalik sa nasabing lugar.

Dalawa sa anak ni Maricel ay mula sa kaniyang pagtatrabaho bilang walker. Sa kuwento ng ina ni Maricel, ang isa sa kaniyang mga apo ay mula sa isang Amerikano. Ang sumunod ay mula naman sa isang African-American. Dala na rin ng pangangailangan na matustusan ang pangangailangan ng limang anak ni Maricel, napagpasiyahan niya na manirahan sa Palawan, kasama ang ilang kapatid ni Allan-ang naging supling ni Maricel sa isang African-American. Ang lola ni Allan ang kumupkop sa kaniya, at siya na ring nagsusuntento para sa kaniyang pag-aaral.

Sa isang araw na pamamalagi ko sa Riverside, isang buong komunidad ang bumungad sa akin-ang katotohanan sa kondisyon ng Malabanias. Hindi ko kailanman mapupulaan ang ganitong salaysay ng ilang residente ng Riverside, lalo na’t hindi lingid sa akin ang kayang gawin ng tao dala ng masidhing pangangailangan. Narito ang salaysay ng mga taong nasa laylayan-nagbabaka-sakali na balang araw, hindi na sila titingala mula sa ilalim ng tulay.

[i] Hindi niya tunay na pangalan.

[ii] Lingid sa kaalaman ni Mang Ponciano, ang pangunahing provider ng koryente sa Pampanga ay hindi Meralco, kundi PELCO. Ang PELCO ang nagsusuplay ng koryente sa iba’t-ibang bahagi ng Pampanga.

[iii] Hindi niya tunay na pangalan.

[iv] Hindi niya tunay na pangalan.

[v] Hindi niya tunay na pangalan.

Originally published at http://voxpopuliph.com on September 2, 2021.

--

--

Maria Kristelle C. Jimenez
Maria Kristelle C. Jimenez

Written by Maria Kristelle C. Jimenez

Independent publisher, writer, and researcher. Sex worker. EIC, Vox Populi PH. AEd, Revolt Magazine PH. Founder, Rebo Press. Email: maria@voxpopuliph.com

No responses yet